Eto ang pamagat n naabutan ko s isang patalastas, 'sine totoo'.. unang naisip ko? "ang saya! gusto ko ganon ako!". Alam kong ngayon naiisip mo na napakababaw at marahil walang kwenta sa pagiisip nito..,pero naiba ito nang mapanood ko..
Tungkol eto sa pagkakabilang (nanaman) natin sa pagkakaron ng mataas na rate ng malnutrition sa ating bansa, masaklap pumapangalawa na pala tayo.. Sinadya ko talagang hintayin ang skedyul ng pageere nito kahit halos hatinggabi na nang magsimula ito. Personal na naging interesado ako, lalo na sa pamagat nito.
Ilang buwan na nga ba nang simulan ko ang seryosong pagdidiyeta?, hindi pa kasama don ang mga taong' panaka-nakang pagsubok ngunit nauuwi lamang lagi sa panimula. Ang totoo may ilang buwan ng hindi ako kumakain sa nakagawian, iniwasan ang pagkain ng kanin, kahit anung klaseng lutong karne, hindi rin.. oatmeal sa umaga, oatmeal uli sa gabi.. napipilitan lang siguro akong kumain kapag may natirang pagkain samin na hindi naubos dahil sa panghihiniyang sa baka masira lang, kasunod non ay ang pasisising pakiramdam hanggang kinabukasan sa pagiisip na kumain nanaman ako..lahat na ata ng paraan nagawa ko na, ang paginom lamang ng c2 sa tanghali, yakult o herbal tea na nakakapagpapayat daw. Araw-araw, nilalabanan ko ang natural na pag-ibig na meron ako para sa mga pagkaing paborito ko.., itinakwil ang sarap dulo't ng mga calories nito. Mas pinaggastusan ko pa nga siguro ang pageeksperimento ng mga paran para pumayat kesa sa noo'y aking pagkatakam.
Naiisip ko ang mga eto ngayon pagkatapos ko matunghayan ang dokumentaryong nasa aking pamagat. Hindi ko eto pinagmamalaki, ngayon mas ikinahihiya ko na. Na habang abala ko sa pagiisip ng mga eto, heto't marami ang nakakaranas ng malnutrisyon.. Kung tutuusin, kaparehas ko din pala sila; may parehas na sistema, magkaibang problema.
Hindi normal na kumakain.. sa parte ko para magpapayat, samantalang dala naman ng kahirapan sa parte nila.. Ang hindi ko pagkain ng kanin, sa kanila nama'y tanging pagkain na para sa maghapon na pagsasaluhan pa ng sampung tiyan.. Na habang panay takwil ko sa mga pagkaing nasa aking harapan, ganon din naman ang pilit paglaklak nila ng hangin para umagahan.. Na habang patuloy ang pagtangis ko sa lalong bumababa ko pang timbang, ganon din naman ang pilit paglaban nila sa sikmurang kumakalam..
"..sadyang nakakalungkot isipin na sa isang bansang mayaman sa kalikasan, puno ng yamang dagat, magagandang tanawin..at kung saan uso din ang pagpapapayat, diet at liposuction.., marami parin ang nagugutom.."